Si Congressman

“Tapos ka na, anak? Ang dami pang pagkain sa plato mo. Kumain ka nang marami upang magkaroon ka ng sapat na lakas para sa patimpalak mamaya.” Maikling paalala ni Liza sa kanyang sampung taong gulang na anak.

“Eh kasi po mama kapag dinamihan ko po ang kain, baka mautot po ako sa nerbyos sa ibabaw ng entablado.” Pangangatwiran ni Carlos habang nagsusuot  ito ng medyas at sapatos.

“Ikaw talaga, huwag kang kabahan. Ano pala ang gagawin mo? Hindi pa nga kita nakitang nag-ensayo.. Baka naman sa daddy mo lang sinasabi ha?”  Patuloy na pag-usisa ni Liza kay Carlos na may halong pagtatampo.

Tumayo na mula sa hapagkainan si Carlos at tumungo sa may sala upang ayusin ang kanyang bag.

“Basta sikreto po! Sorpresa po!” Malakas na sigaw ni Carlos.
“Ma, si daddy po ba? Makakarating po ba siya? Sinabihan ko na siya eh. Isang linggo na po kasi siyang hindi napaparito.” Dagdag ni Carlos habang nakalingon sa inang nagliligpit sa may hapagkainan.

“Alam mo naman ang daddy mo, busy iyon sa trabaho. O siya, pumunta ka na kay manong sa sasakyan at susunod na ‘ko.” Sagot ni Liza na tila iniba ang usapan.

Maaga pa lamang ay nasa opisina na si Bong at nag-aasikaso ng tambak-tambak na papeles sa kanyang mesa.

“Sir, goodmorning. Nandito na po ang mga inhinyero. Papapasukin ko na ha?” Malambing na bungad ng kanyang sekretarya.

Kinamayan ni Bong ang dalwang inhinyero at naupo sila sa may meeting area ng kanyang opisina.

“Congressman Carpio, tama po ba ang budget natin para sa gagawing tulay sa San Agustin na limampung milyong piso? ” Nagtatakang panimula ng inhinyero.

“Yes. Nandito na ang mga dokumento kung saan nakasaad ang listahan ng mga materyales, presyo, at iba pa.” Nakangiting sagot ni Bong na walang pag-aalinlangan.

Mabilis namang sumabat ang isa pang inhinyero. “Ngunit napakalaki po ng limampung milyong piso.  Ayon sa computation ng aming pangkat ay aabot lamang ito sa tatlompung milyong piso.”

Medyo kumunot ang noo ni Bong sa narinig. “Ano? Naaprubahan naman na ang budget. May porsyento din kayong makukuha at ‘di hamak na masmalaki kaysa mga nauna nating proyekto.” Kapansin-pansin ang pagtaas ng boses ni Bong.

“Kaso po, medyo nakakatakot, baka masita…” Mabilis na sagot ng naunang inhinyero.

“Ano ba? Ayaw nyo ba? Sa iba ko na lang ibibigay ‘to!” Galit na si Bong at napapakamot na ito sa ulo.

Samantala, may tumunog na cellphone at iniabot ito ng sekretarya kay Bong. Nasa linya ang kanyang asawang si Liza.

“Ah, nakalimutan ko, sorry. Sige I’m on my way, bye.” Pagkatapos ay ibinaba ang cellphone sa mesa kasabay ang pagbuntong hininga.

Nagkatinginan na lang ang dalawang inhinyero. “Sige po, okay na po, mauna na po kami.” Mahinahong pagpaalam ng mga ito at tuluyang lumabas ng opisina.

“Ikaw naman, masyadong mainit ang ulo mo.” Malambing na sambit ng sekretarya at pumwesto ito sa likuran ni Bong. Minasahe nito ang kanyang balikat.

Napapikit na lang si Bong. “Malaking bonus ang pinag-uusapan dito. Sila pa ang maaarte. Ayaw ba nila ng ekstrang kita?” paliwanag ni Bong sa kanyang sekretarya.

“Relax lang, Bong… ” Patuloy sa pagmamasahe ang sekretarya.

“O sige, sumama ka na rin sa akin papuntang paaralan..” sagot ni Bong at tumayo na ito at inayos ang sarili.

Alas Diyes na ng umaga at marami na ang tao sa paaralan.

“Ipinakikilala,  mula sa Grade 5 – Section Mapagkumbaba. Carlos Carpio para sa isang talumpati. Malakas na pag-aanunsyo ng isang guro sa entablado.

Pumanhik na sa entablado si Carlos. Bakas sa kanyang ikinikilos na hinanahanap niya ang kanyang Daddy Bong sa madlang tao.

At sinimulan na ni Carlos ang kaniyang piyesa.

“Ang Aking Idolo.”

“Si Batman.
Si Superman.
Si Spiderman.
Mga superhero kung sila ay tawagin.
Isang tawag mo lamang, anumang kasamaan ay kaya nilang sugpuin.
Si Jose Rizal,
Si Andres Bonifacio
O si Heneral Luna pa yan,
Hinding hindi ko ipagpapalit..
Sa natatanging tatay kong – Congressman.

Medyo matraffic ang dinaanan ng sasakyan nila Bong.
“So ang mga napag-usapang transaksyon sa mga magsasaka ayos na ba? Abutan mo na lang ng tig-lilimang libo bawat isa, okay na iyon.” Sambit ni Bong sa kanyang kausap sa cellphone.

“May bagong cellphone pala ngayon, nakita ko sa TV. Gusto ko noon ha?” Bulong ng sekretarya na tila naglalambing.

Tumingin lang si Bong at ginantihan ito ng pagtango na nagsasabing sige habang may kausap pa ito sa telepono.

“Ang mga mahihirap, laging may mga nakakain sa umaga, tanghalian at hapunan.
Ang mga kalsada, at mga pampublikong lugar ay may kaayusan.
Saan pa ba magmumula ang kaayusan kundi sa aming tahanan,
Na syang napapanatiling maayos, masaya, at may pagmamahal ng tatay kong Congressman.”

Napalingon si Liza sa bandang likuran at kasunod nito ang pagdating ni Congressman Carpio kasama ang kanyang sekretarya. May ibinulong ito kay Bong at naiwan itong nakatayo sa may tabi ng pader. Dumeretso naman si Bong para punan ang bakanteng silya sa tabi ni Liza.

“Paglaki ko, gusto kong maging katulad ni tatay. Gusto ko rin makatulong sa aking kapwa.
“Hindi man ako palarin na magkaroon ng posisyon sa gobyerno, ang mahalaga ay tulad nya, taospuso ang paglilingkod sa taong bayan nang walang pag-iimbot at buong katapatan.”

Napasulyap si Bong sa kanyang asawa. Nakangiti lamang ang kanyang asawa habang pinapanood ang anak. Naisip niya ang kanyang paglilingkod sa mga tao. Ang mga kasamaan at katiwalian na patuloy na kanyang ginagawa. Naisip niya ang napakaganda niyang pamilya, na kanyang winawasak dahil dito.

“Ang tatay kong mapagmahal na asawa sa aking ina,
Mapagmahal sa akin, na kanyang anak,
at higit sa lahat, mapagmahal hindi lang sa kanyang pamilya, kundi sa ating lahat na naririto ngayon.
Muli, ang aking idolo, ang aking ama.”

Nanggilid ang luha ni Liza sa pagtatapos ng talumpati ni Carlos. Nagulat siya nang biglang hinawakan ni Congressman ang kanyang kamay. Pagkalipas ng ilang minuto ay nagpulung-pulong ang mga hurado. Idineklarang wagi ng unang gantimpala si Carlos para sa junior division. Bumaba na ang kanilang anak mula entablado at dumeretso ito sa pagyakap kay Bong. Tinapik at hinimas naman ni Liza ang likod ng kanyang anak habang ipinapaabot ang pagbati.

“Sana nagustuhan ninyo po, mommy, daddy.” Nakangiting sabi ni Carlos habang yapos ang kanyang ama.

“Siyempre naman, ang husay mo. I love you, anak.” Sagot ni Bong habang pinipigilan ang pagluha ng mga mata.

Lumayo nang bahagya si Congressman at may tinawagan sa cellphone.

“Hello, yes, paki- revise ng budget plan. Pakibalik sa P3,000,000. Sapat na ang tatlong milyon para sa project.” Mahinang pakikipag-usap ni Bong sa isa sa mga inhinyerong kausap niya kaninang umaga na tumagal pa ng tatlong minuto.

“Tara na, kumain tayo sa labas. Magcelebrate tayo, Carlos, anak. Liza, mahal ko.” Nakangiting anyaya ni Bong sa kanyang mag-ina. Sabay-sabay na lumabas ng paaralan ang mag-anak. Sa may hindi kalayuan ay makikitang tahimik at nakangiti ang sekretarya. Naluha na lamang ito habang tinatanaw ang mag-anak. Iyon na rin ang huling araw na siya ay namataan dahil umuwi na ito sa kanilang probinsya.

 

Ito ay kalahok sa Saranggola Blog Awards 9 .

 

saranggola336x280

 

ccp

deviceph

 

 

1 Comments Add yours

  1. Jane ay nagsasabing:

    Sana gumawa kpa ng mraming kuwento. Ive been ur avid reader since 2011. 😊

Mag-iwan ng puna